DITO inilalarawan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsisimula nang pagpapatupad ng P20 kada kilo ng bigas ng Department of Agriculture sa Western, Central at Eastern Visayas sa susunod na linggo na siyang pangarap ni Pangulong Bongbong Marcos para sa bayan. Una nang inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pilot program matapos ang isinagawang closed-door meeting sa Chief Executive at sa 12 Visayas governors sa Cebu nitong Miyerkules. “Simula pa lang ito. Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas. Sa tulong ng whole-of-government effort, masusundan ito hanggang maabot ng programa ang bawat sulok ng bansa,” ani Romualdez. Noong nakalipas na taon ay nasa ₱60 kada kilo ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan na naging ₱35-₱39 nitong taon hanggang sa target na ₱20 ngayon, Pinapurihan naman ni speaker ang Visayas LGUs sa pagtulong sa subsidy cost sa national government, kung saan tinawag nito ang nasabing kasunduan na isang kongkretong porma ng tunay na bayanihan economics. Para sa long-term solutions, sinabi ni Speaker Romualdez na suportado ng kamara ang agricultural modernization tulad ng mechanization, high-quality seed distribution, soil-health programs at solar-powered irrigation, para sa abot-kayang bigas at masigurong magtuluy-tuloy ang pilot implementation nito. “Marami pa tayong batas na dapat ipasa para maipagpatuloy at mapalawig ang ₱20-rice program. Kapag nagtagumpay ang Alyansa sa Senado, mas madali nating maisusulong ang mga reporma sa logistics, farm support, at digital subsidies na magtitiyak na hindi pansamantala kundi pangmatagalan ang tagumpay na ito—para sa magsasaka, para sa mamimili, at para sa buong bayan,” dagdag nito. (Vina de Guzman)
https://tonite.abante.com.ph/wp-content/uploads/2025/04/sarfar.jpg