2 tulak, timbog sa higit P.3M droga, 2 baril sa Caloocan
- Published on February 16, 2026
- by @peoplesbalita
NASAMSAM sa dalawang tulak ng droga kabilang ang isang itinuturing na High Value Individual (HVI) ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu at dalawang baril nang matiklo ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City.
Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “King”, 25.
Kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban kay alyas King, sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa kanya ng isa sa mga operatiba.
Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad sumugod ang mga operatiba ng SDEU saka dinamba ang suspek at kanyang kasabwat na si alyas “Wendel”, 22, dakong alas-4:13 ng hapon sa Blk 6 Lot 78, Tanigue St., Brgy. 14.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 53.61 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P364,548, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 12 pirasong P1000 boodle money, dalawang baril, tatlong bala, digital weighing scale at itim na sling bag.
Mga kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor Office.
“Hindi titigil ang kapulisan sa paghuli ng mga lumalabag sa batas, upang mapanatili ang kaligtasan, kapayapaan, at katarungan para sa Komunidad,” pahayag ni NPD Director P/BGen. Dela Cruz. (Richard Mesa)