2 traffic enforcer sa Maynila, sinibak ni Yorme
- Published on July 19, 2025
- by @peoplesbalita
SINIBAK ang dalawang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos na nangotong sa isang truck sa kahabaan ng A.H Lacson Avenue sa España, Maynila.
Nakasaad sa memorandum na inaprubahan ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na nang-aatas sa dalawang enforcer na tumigil sa pagpatupad ng tungkulin dahil sa kanilang pangongotong.
Nakunan ang pangyayari ng isang bystander at agad na nag-viral sa social media.
Sinabi ni MTPB Director Dennis Viaje na nakakaapekto sa moral ng kanilang mga kasamahan ang maling pag-uugali ng naturang mga enforcers at nagdudulot din ng labis na kahihiyan sa buong organisasyon ng MTPB.
Inatasan din ni Viaje ang dalawa na isuko na sa kanya ang uniporme at identification cards ng dalawa para sa tamang disposisyon.
Muli namang iginiit ng alkalde ang ‘One strike policy’ kung saan hindi na pagbibigyan pa ng pangalawang pagkakataon ang mga abusadong tauhan ng city hall. (Gene Adsuara)