• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 todas nang araruhin ng truck ang bahay sa Valenzuela

NASAWI ang dalawang babae kabilang ang 85-anyos na biyuda nang araruhin ng isang truck na kargado ng buhangin ang kanilang bahay sa Valenzuela City, Lunes ng madaling araw.
Dead on arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan ang mga biktimang sina Magdalena Fresco, 85, at Donable Laderas, 44.
Naaresto naman kaagad ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento si alyas “Roy”, 30, company driver at residente ng Nueva Ecija na mahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property sa piskalya ng Valenzuela City.
Ayon kay P/Cpt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS), natutulog ang mga biktima nang araruhin ng truck na minamaneho ni alyas “Roy” ang kanilang tirahan sa 1329 A. Bernardino St. Brgy. Ugong dakong alas-3:55 ng madaling araw.
Mabilis na isinugod ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na umabot ang mga ito ng buhay habang nadakip naman ng pulisya ang driver ng truck.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang tinatahak ng truck ang A. Bernardino St., ipinasiya ng driver na pumarada muna upang hintaying mag-umaga nang magka-aberya ang air brake system kaya dumiretso ito sa bahay ng mga biktima. (Richard Mesa)