• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 tiklo sa drug bust sa Malabon, P102K shabu, baril nasamsam

BAGSAK sa kulungan ang dalawang drug suspects matapos makuhanan ng hindi linsensyadong baril at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Malabon City.

          Kinilala ni P/Capt. Regie Pobadora, OIC chief ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Francis”, 40, at alyas “RJ”.

          Sa ulat, ikinasa ng mga operatiba ng DDEU ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon ng isa sa mga tauhan ni Capt. Pobadora sa mga suspek.

          Dakong alas-9:52 ng umaga nang makipagkita umano ang mga suspek at magsabwatan na bintahan ng shabu sa isa sa mga operatiba ng DDEU na nagpanggap na buyer sa Brgy. Tugatog na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

          Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, buy bust money, at isang hindi linsensyadong Star B. Echevarria caliber .380 pistol na kargado ng dalawang bala.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 26, at 11 under Article II ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang kakaharapin pa ng isa sa kanila.

Pinuri naman ni P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District, ang mga operatiba sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon na nag-aambag sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga, loose firearms, at kriminalidad. (Richard Mesa)