• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 tiklo sa droga sa Valenzuela

BAGSAK sa kulungan ang apat na indibidwal kabilang ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaktuhan ng mga pulis na nagsusugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Police Investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr. kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, habang nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation Oplan Galugad ang mga tauhan ng Marulas Police Sub-Station 3 sa F. Bautista St., Brgy. Marulas nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na naglalaro ng iligal na sugal na cara y cruz alas-10:10 ng gabi.

Kaagad nilang nilapitan ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga saka inaresto bago ipinapaalam sa kanila ang nilabag nilang pagkakasala at mga karapatan.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Alex”, 45.

Nauna rito, nadakip naman ng mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station 7 ang dalawa ring lalaki nang maaktuhan na naglalaro ng ilegal na sugal na cara y cruz sa No. 13 Block 6, Disiplina Village, Brgy., Bignay dakong alas-5:15 ng madaling araw.

Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Edwin”, 44, Telecom Technician.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin nina ‘Alex’ at ‘Edwin’.

Hinihikayat naman ni Col. Talento ang mga mamamayan na manatiling mapagbantay at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa patuloy na pagsisikap sa pagpapatupad ng batas. (Richard Mesa)