2 SUV NASAKOTE NG LTO DAHIL SA PAGGAMIT NG PEKENG AFP AT LTO PLATE, BLINKER AT WANG-WANG; MGA DRIVER KAKASUHAN
- Published on September 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASAKOTE ng Land Transportation Office (LTO) ang 2 SUV matapos maaktuhang gumagamit umano ng mga pekeng plaka ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at LTO, bilang bahagi ng pinaigting na enforcement operations ng ahensya laban sa paggamit ng mga hindi awtorisadong plaka sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Sa isinagawang operasyon, natuklasang nakatago sa loob ng mga sasakyan ang kanilang mga orihinal na plaka habang ang mga hindi awtorisadong plaka ang nakakabit at ginagamit sa kalsada, na umano’y nagbibigay ng impresyong may espesyal na awtoridad o pagkakakilanlan ang mga ito.
Bukod dito, nakumpiska rin sa mga nasabing sasakyan ang pekeng conduction sticker, mga blinker at “wang-wang,” na pawang isinailalim sa kaukulang beripikasyon at dokumentasyon ng mga operatiba.
Nakita rin sa mga sasakyan ang ilang sticker na may pangalan o nagpapahiwatig ng kaugnayan sa isang miyembro ng Kongreso. Kasama rin itong sinusuri upang matukoy ang pinagmulan at layunin ng paggamit ng naturang mga pagkakakilanlan.
Kaugnay nito, pansamantalang inilagay sa kustodiya ng LTO ang dalawang sasakyan at isasailalim sa kaukulang proseso, kabilang ang masusing beripikasyon ng kanilang mga dokumento, plaka, at iba pang nakumpiskang kagamitan at identification markings, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at ang kaugnay na mga paglabag.
Ani Asec. Lacanilao, “Hindi porke may kakilala ka sa gobyerno ay pwede ka nang gumamit ng pekeng plaka o pagkakakilanlan upang makaiwas sa batas-trapiko o magkaroon ng espesyal na pagtrato sa lansangan, maling-mali po iyon, kahit sinuman ang koneksyon mo sa gobyerno pantay po ang aming pagtrato sa lahat ng motorista.”
Mananatiling mahigpit ang LTO sa pagsasagawa ng malawakang enforcement operations at beripikasyon laban sa paggamit ng pekeng plaka at iba pang ilegal na kagamitan. Hinihikayat naman ng ahensya ang lahat ng motorista na gumamit ng wasto, lehitimo, at awtorisadong plaka at kagamitan, sumunod sa umiiral na batas-trapiko, at agad na ireport sa LTO ang mga kahina-hinalang sasakyan upang makatulong sa pagpapanatili ng ligtas, maayos, at pantay na kalsada para sa lahat. (PAUL JOHN REYES)