2 suspek sa pagpatay sa bebot sa Valenzuela, timbog
- Published on June 16, 2025
- by @peoplesbalita
HAWAK na nang pulisya ang dalawang suspek na sangkot umano sa pagpatay sa 34-anyos na bebot habang patuloy pa rin na tinutugis ang isa pa nilang kasabwat sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Relly Arnedo ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jun-jun”, ng Tampoy St., Brgy. Marulas at alyas “Charlie”, driver umano ng motorsiklo habang pinaghahanap pa ang itinuturong gunman na si alyas “Jeff”.
Dakong alas-5:55 ng Huwebes ng hapon nang pagbabarilin ng isa sa dalawang sakay ng isang motorsiklo si alyas ‘Jennelyn’, ng Brgy. Marulas sa kanto ng F. Bautista St., at McArthur Highway, Brgy. Marulas na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, huling nakita ang biktima sa kuha ng CCTV ng kalapit na establishemento sa lugar na kasama nito si alyas Jun-Jun subalit, nang puntahan ito ng mga pulis sa kanyang bahay hindi siya natagpuan.
Gayunman, nakatanggap ng tip ang mga pulis mula sa mga kaanak ni ‘Jun-jun’ na gusto umano nito sumuko kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Col. Arnedo na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Sa isinagawang interogasyon, inginuso ni Jun-jun sa mga pulis ang kanya umanong mga kasabwat na sina ‘Jeff’ at ‘Charlie’, na kapwa nagtatago sa Northville, Barangay Canumay West.
Kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela police at District Special Operations Unit na nagresulta sa pagkakadakip kay Charlie.
Onsehan sa droga ang nakikitang motibo ng pulisya sa biktima matapos ibulgar ng kanyang dating kinakasama ang hindi umano pag-remit ng biktima sa isang alyas “Buchoy” ng drogang nagkakahalaga ng P25,000 noong Mayo 3.
Ayon kay Col. Arnedo, kasong murder ang isasamapa nila laban sa mga naarestong suspek habang patuloy ang follow-up operation para madakip ang isa pang suspek. (Richard Mesa)