• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 8:45 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 suspects sa pagpatay sa transgender woman sa Valenzuela, timbog

LAGLAG sa selda ang dalawang lalaki na suspek sa pagpatay ng isang transgender woman sa Valenzuela City matapos masakote ng pulisya sa ikinasang hot-pursuit operation sa Tondo, Manila.

Iniharap ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento kay Mayor Wes Gatchalian ang naarestong mga suspek na kinilala sa alyas “Coy-Coy”, 27, helper, at Alyas “Jay”, 27, construction worker, kapwa residente ng Tondo, Manila.

Ayon kay Col. Talento, dakong alas-11:20 ng gabi noong September 22, 2025 nang madiskubre ang nakahubad at walang buhay na katawan ng biktimang si alyas “Christine”, 44, therapist, sa loob ng kanyang inuupahang apartment sa Brgy. Malanday at nagtamo ng saksak sa kanang bahagi ng leeg at dibdib.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang dalawang kitchen knife, isang puting t-shirt at isang six pocket short pants na pawang may mga bahid ng pulang mantsa.

Huling nakitang buhay ang biktima bandang 10:20 ng gabi noong Setyembre 21, nang dumating ito sa kanyang apartment mula sa trabaho hanggang sa makarinig na lamang ang mga kapitbahay at nangungupahan ng mga ingay at kalabog mula sa unit ng nasawi sa pagitan ng 11:30 ng gabi at 12:00 ng hating gabi.

Kaagad namang iniutos ni Col. Talento ang masusing imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan sa mga salarin at sa tulong ng ilang mga saksi at isinagawang pagsusuri sa mga CCTV footage ay natukoy ng pulisya ang mga suspek.

Positibo ring kinilala ng dalawang saksi ang mga suspek na nakita sa CCTV na umalis sa naturang apartment noong nakaraang gabi bago matagpuan ang bangkay ng biktima.

Nakita rin sa CCTV na ang narekober na t-shirt at short pants sa crime scene ay suot ng suspek na si alyas Coy-coy habang patungo sa apartment ng biktima at nang muli itong makita na paalis na sa lugar ay nakasuot na siya ng ibang damit.

Sa isinagawang hot-pursuit operation ng mga operatiba ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sa pangunguna ni P/Capt. Robin Santos ay naaresto ang mga suspek dakong alas-3:00 ng madaling araw ng September 24, sa Pilar Street, Tondo, Manila.

Inihanda na ng pulisya ang isasampa nilang kasong Murder (Article 248, Revised Penal Code) laban sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)