• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 9:02 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 mister na wanted sa murder sa Valenzuela, laglag sa selda

DALAWANG pugante na kapwa akusado sa karumal-dumal na krimen ang magkasabay na nadakma ng pulisya nang matunton sa kanilang pinagtaguang lugar sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Relly Arnedo, nakatanggap sila ng impormasyon na muling nagbalik sa lungsod sina alyas “Dodoy” 53, at alyas “Rey” 55, matapos magtago sa lalawigan sa Bicol Region kung saan kapuwa sila dating naninirahan sa Sorsogon City.
Nang matukoy kung saan nanunuluyan ang mga akusado, agad ikinasa ng operatiba ng Warrant and Subpoena Section ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang pugante dakong 9:40 ng umaga sa Agustin St. Brgy. Malina.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang isilbi sa kanila ang warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 26, 2024 ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172 para sa kinakaharap na mabigat na kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen, Josefino Ligan ang Valenzuela Police Station sa mabilis na pagkakadakip sa dalawang pugante na aniya ay nagpapatunay lamang na walang puwang ang mga kriminal na gumawa ng karimarimarim na krimen sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area. (Richard Mesa)