2 kulong sa sugal, droga sa Valenzuela
- Published on April 1, 2026
- by @peoplesbalita
SA kulungan magbabakasyon ang dalawang lalaki nang maaresto ng pulisya na naglalaro umano ng ilegal na sugal at makuhanan pa ng droga ang isa sa kanila sa Valenzuela City.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng lucky 9 sa F. Lazaro St., Brgy., Canumay West dakong alas-3:00 ng hapon.
Kaagad nilapitan nina PCpl. John Ray Laredo at Pat R-Jay Tagnong ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 1 ng Valenzuela Police bago inaresto ang mga ito.
Nakumpiska sa dalawang inaresto ang bet money, playing cards (baraha) at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Rey”, 47.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ni ‘Rey’.
(Richard Mesa)