• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 kelot na nanloob sa day care center sa Valenzuela, swak sa selda

SA loob ng kulungan magbabakasyon ang dalawang tambay na lumimas ng mga gamit sa loob ng isang Day Care Center matapos maaresto ng pulisya sa follow up operation sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek na sina alyas “Richmond”, 46, ng Brgy., Mapulang Lupa at alyas “Joni”, 36, ng Brgy. Gen T De Leon.

Batay sa reklamo ni alyas “Jellie”, 28, guro ng Day Care Center na nasa 3S Center, Brgy. Gen. T. De Leon, natuklasan niya ang pagnanakaw noong Lunes nang mapansin niyang bukas ang sliding na bintana ng day care center at wala na ang laptop, Bluetooth speaker, at mga personal nilang gamit ng kasamahan niya teacher.

Nang rebisahin nina P/Capt. Anthony Campado, commander ng Valenzuela Police Sub-Station 2 ang kuha ng mga CCTV sa lugar, natunton nila kaagad si alyas Richmond na dahilan ng kanyang pagkakaaresto at nabawi sa kanya ang isang laptop.

Sumunod na natimbog sa follow up operation nina Capt. Campado si alyas Joni at narekober naman sa kanya ang isang bluetooth speaker habang hinahagilap pa ng pulisya ang ilan pang gamit na hindi nabawi sa dalawa.

Pinuri naman ni Mayor Wes Gatchalian ang mabilis na aksiyon ng pulisya sa pagdakip at pagbawi sa mga gamit na kinulimbat sa Day Care Center at iniutos na sampahan ng kasong paglabag sa Article 299 ng Revised Penal Code o Robbery with Force Upon Things ang mga suspek. (Richard Mesa)