2 kalaboso sa patalim at shabu sa Valenzuela
- Published on January 28, 2022
- by @peoplesbalita
KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang ginang matapos maaresto sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Base sa report ni PSSg Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Filomena St. corner Balubaran St., Brgy. Malinta.
Kaagad inaresto nina PCpl Franciz Cuaresma at PCpl Ed Shalom Abiertas ang kanilang target na si Vanessa Anesco, 42, matapos bintahan ang isa sa kanila na nagpanggap na poseur-buyer ng P7,500 halaga ng shabu.
Nakuha sa suspek ang tinatayang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000, cellphone at buy bust money na isang tunay P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Nauna rito, bandang alas-4:45 ng hapon nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU sa pangunguna ni PLT Doddie Aguirre si Angelo Abaya, 33, sa isinagawang validation sa Hulo St. Angeles Comp. Brgy. Dalandanan makaraan ang natanggap na tawag mula sa concerned citizen hinggil sa illegal drug activities sa lugar.
Ani PCpl Pamela Joy Catalla, narekober nina PCpl Isagani Manait at PCpl Maverick Jake Perez kay Abaya ang dalalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 7 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P47,600, patalim P300 cash.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang dagdag na kasong BP 6 in relation to Omnibus Election Code of the Philippines ang kakaharapin ni Abaya. (Richard Mesa)