2 kalaboso sa P4.7 milyong shabu sa Caloocan
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
UMABOT sa mahigit P4.7 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng pulisya sa dalawang drug suspects kabilang ang isang High Value Individual (HVI) matapos madakip sa buy bust operation sa Caloocan City, Biyernes ng gabi.
Sa report ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap ng impormasyon ang kanyang mga tauhan hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ng 30-anyos na lalaki na itinuturing bilang HVI.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan CPS ang buy bust operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-8:04 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba SDEU ang suspek, kasama ang 23-anyos na kasabwat matapos umanong bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Phase 12 Riverside, Brgy., 188.
Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 701.27 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P4,768,636.00, buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at sampung P1,000 boodle money at itim ba pouch bag.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Richard Mesa)