• June 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 indibidwal na wanted sa rape at carnapping, nasilo sa Caloocan, Malabon

SIYAM na wanted persons kabilang ang dalawang top most wanted persons sa kasong rape at carnapping ang naaresto ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa CaMaNaVa area.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, isinagawa ang operation ng NPD units at police stations na nagresulta sa pagkakaaresto sa 23-anyos na kelot sa Fishpond Alley 3, Barangay 35, Caloocan city.

Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong statutory rape under Article 266-A of the Revised Penal Code as amended by RA 8353 na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 106, Quezon City, noong June 2, 2026.

Nabatid na walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamatalang paglaya ng akusado.

Samantala, isinilbi naman ang isang arrest warrant ng mga tauhan ng Malabon City Police Station sa 23-anyos na lalaki na kasalukuyang nakakulong sa loob Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Sanciangco Street, Barangay Catmon. Malabon City.

Ang nasabing warrant ay para sa paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016 na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 290, Malabon City, noong June 9, 2026, na may inirekomendang piyansa na P300,000. (Richard Mesa)