2 HVIs, nadakma ng NPD sa buy bust sa Valenzuela
- Published on May 26, 2025
- by @peoplesbalita
TIKLO ang dalawang drug suspects na itinuturing bilang High-Value Individuals (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P370K halaga ng shabu nang madakma ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni P/Capt. Regie Pobadora, OIC ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jonel”, 40, at alyas “Raymart”, 30, kapwa residente ng lungsod.
Ayon kay Capt. Pobadora, ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.
Dakong alas-4:51 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ng DDEU ang mga suspek sa Samagdaba Street, Barangay Bignay, matapos magsabwatan umanong bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000.00 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 12 pirasong P500 boodle money
Kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings. (Richard Mesa)