2 drug suspects, timbog sa pagbinta ng droga sa pulis sa Malabon
- Published on February 24, 2025
- by Peoples Balita
HINDI inakala ng dalawang bagong indentified drug pushers, kabilang ang 36-anyos na dalaga na pulis pala ang kanilang nabintahan ng shabu makaraang maaresto sila sa buy bust operation sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas “Mark”, 47, ng Brgy. Dampalit at alyas “Paula”, ng Marilao Bulacan.
Ayon kay Col. Baybayan, ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa koordinasyon sa PDEA ang buy bust operation nang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Mark ang isa sa mga operatiba ng SDEU.
Dakong alas-4:11 ng madaling araw nang sunggaban ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang mga suspek matapos magsabwatan na bintahan ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa M. Sison St., Brgy. Dampalit.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 11.10 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P75,480 at buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pinuri P/Col Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District, ang Malabon police sa kanilang mabilis at estratehikong pagpapatupad ng operasyon. (Richard Mesa)