2 babaeng pekeng faith healer, kulong sa pambubudol sa mag-asawa sa Valenzuela
- Published on October 22, 2025
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ang dalawang babaing pekeng faith healer nang mabisto ang ginawang pambubudol sa mag-asawa na tinangka nilang matangayan ng malaking halaga ng cash at alahas sa Valenzuela City, Linggo ng gabi.
Hindi na nakapalag ang mga suspek na sina alyas “ Charie”, 34, at “Maria”, 50, kapwa ng Brgy., San Rafael, Montalban Rizal, nang damputin ng mga tauhan ni Valenzuela Police Acting P/Col. Joseph Talento na hiningan ng tulong ng mag-asawang sina alyas “Gilda”, 46, at alyas “Domingo”, 46, kapwa ng Brgy., Mapulang Lupa.
Sa pahayag ni ‘Domingo’ kay P/Capt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), nakilala niya ang mga suspek sa palengke ng Malinta na nagkunwaring mga faith healer at naisip niya na baka makatulong ang dalawa na mapagaling ang sakit na “sciatica” na matagal ng dinaranas ng kanyang asawa kaya’t kinuha niya ang serbisyo ng dalawa.
Pinaghanda umano ng mga suspek si ‘Domingo’ ng walong iba’t ibang uri ng prutas, walong bulaklak, walong itim na kandila, P198,100 cash, mga gintong alahas na nagkakahalaga ng P113,000, dalawang puting sobre na pang-alay umano sa puting duwende na si “Datu Kuru” na gagamitin sa rituwal sa bahay ng biktima.
Isinilid ni ‘Maria’ ang pera at mga alahas sa puting sobre at tinalian bago inutusan si ‘Domingo’ na dalhin ito sa loob ng kanilang banyo saka magdasal at makalipas ang ilang sandali ay sumunod si ‘Charie’ at pinalabas ang biktima bago sumunod na pumasok ang isa pang suspek.
Ibinalot kunwari ng mga suspek sa dilaw na tela ang alay na pera at alahas saka sinabihan ang mag-asawa na huwag bubuksan hanggang sila ay makaalis dahil mawawalan umano ng bisa ang panggagamot bago nagmadaling umalis ang mga ito.
Gayunman, nagduda si ‘Domingo’ at binuksan ang binalot na tela na naglalaman na ng mga budol na perang papel kaya kaagad niyang hinabol ang mga suspek hanggang may nakapagturo na sumakay ang mga ito sa bus sa VGC.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Police Sub-Station 8 na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at nabawi sa kanila ang tinangay na pera at alahas sa mag-asawa. (Richard Mesa)