• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 4:21 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 babae, arestado sa sinalakay na garment factory sa Malabon

TIMBOG ang dalawang babae, kabilang ang isang lola matapos salakayin ng pulisya ang garment factory na gumagawa ng mga pinekeng branded na kasuotang panloob sa Malabon City.

Dakong ala-1:00 ng hapon nang pasukin ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan sa bisa ng search warrant na inilabas ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 74, ang 3M Garments sa 90 P. Aquino St. Brgy. Longos na gumagawa at tumatahi ng mga pinekeng “Alfa 1 Brief”, “Amazing Panty”, at “Amazing Bra” na pawang mga branded na produkto.

Inaresto ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) sa pangunguna ni P/Maj. Marvin Villanueva ang 49-anyos na isa sa may-ari ng pabrika at ang 62-anyos na supervisor, habang wala naman sa naturang garments factory ang Chinese national na si Eugene Chua na may-ari rin ng 3M Garments.

Ayon sa pulisya, bulto-bultong mga pekeng branded na bra, panty, at brief na may tatak na “Personal Collections”, mga resibo at ibat-ibang dokumento ng pakikipag-transaksiyon ang nasamsam ng pulisya sa naturang pagsalakay.

Kinumpiska rin ng kapulisan ang kabuuang 32- sewing machine o makinang panahi, apat na cutting machines, at dalawang heat press machines na gamit sa paggawa ng mga pekeng produkto.

Ayon kay BGen. Ligan, mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines ang naarestong suspek habang hihintayin pa ng pulisya ang ilalabas na warrant of arrest ng hukuman para tugisin si Chua. (Richard Mesa)