• April 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2.2 milyong pasahero, dadagsa sa mga pantalan sa Undas – PPA

INIHAYAG ng Phi­lippine Ports Autho­rity (PPA) na aabot sa 2.2 milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5 para sa paggunita sa Undas.

Ayon sa PPA, ang bilang ng mga pasahero ay pagtaas ng 300,000, kumpara sa naitalang 1.9 milyong pasahero lamang noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, nabatid na magkasamang nagsagawa ng inspeksiyon kahapon sina PPA Ge­neral Manager Jay Santiago at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Batangas Port, na siyang pinakamalaki at pinakaabalang pantalan sa bansa.

Layunin ng inspeksiyon na matiyak ang kalidad ng mga pasilidad at maayos ang paghahanda ng operasyon ng pantalan, para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.

Aniya pa, sinuspinde nila ang leave ng lahat ng empleyado upang masigurong episyente ang operasyon ng mga pantalan sa Undas.

Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa Philippine Coast Guard (PCG) at Phi­lippine National Police Maritime Group para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero sa mga pantalan 24/7.