1,943 traditional jeepneys balik kalsada
- Published on July 31, 2020
- by @peoplesbalita
Bumalik na sa kalsada ang may 1,943 na traditional jeepneys na papasada sa 17 routes sa Metro Manila na binigyan ng pahintulot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa ilalim ng isang LTFRB memorandum circular, ang mga traditional jeepneys ay maaari ng bumalik sa kanilang operasyon kahit na walang special permits. Subalit ang mga jeepney drivers ay kinakailangan gumamit ng QR or quick response code.
Ito ay isang special barcode na maaaring i-down load mula sa LTFRB website. Gagamitin ang QR codes ng mga jeepney drivers upang mapadali ang road enforcement at upang malaman na kung ang sasakyan ay pinapayagan na magsakay ng mga pasahero.
“We also require jeepneys to have a personal passenger insurance policy and to pass inspections proving roadworthiness,” ayon sa LTFRB.
Ang mga operators ay kinakailangan din na sumunod sa mga health at safety protocols na binigay ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases.
Habang ang buong Luzon ay nasa ilalim ng ECQ, ang lahat ng modes ng transportasyon ay pinahinto noong March upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Nang nagkaron na ng mas relax na GCQ noong June 1, selected public transportation lamang ang pinayagan tulad ng P2P buses, trains, ride-hailing services at bicycles. Subalit limited passenger capacity lamang ang maaaring sumakay dito. LASACMAR