19 NA NAHULING NAGSASAGAWA NG MOTORCYCLE SHOW AT ILEGAL NA KARERA, INIREKOMENDA NG LTO NA BAWALANG KUMUHA NG DRIVER’S LICENSE
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita
INIREKOMENDA ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa pagkuha ng driver’s license ng 19 na residente ng San Rafael, Bulacan na nahuling nagsagawa ng motorcycle show at ilegal na karera sa isang bypass road nitong unang bahagi ng buwan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang rekomendasyon ay inilabas matapos ang pagdinig noong Miyerkules, Agosto 27, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na habulin ang mga lumalabag sa batas-trapiko.
Bukod sa anim na nasa hustong gulang na dumalo sa pagdinig at apat na hindi nakaharap dahil nananatili pa sa kulungan, sinabi ni Asec. Mendoza na sakop din ng diskwalipikasyon ang siyam na menor de edad na napatunayang nagmaneho rin ng motorsiklo.
Ang naturang pagdinig ay bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng LTO kaugnay ng operasyon ng Highway Patrol Group (HPG) sa San Rafael, Bulacan, matapos makatanggap ng mga reklamo na ginagamit ang bypass road para sa motorcycle race at exhibition.
Sa operasyon, inaresto at kinasuhan ang siyam na nasa hustong gulang habang 12 menor de edad naman ang pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng pulisya, kabilang na ang ilan na aktwal na nagmamaneho ng motorsiklo.
Sa siyam na nasa hustong gulang, anim lamang ang nakadalo sa pagdinig ng LTO, habang apat ang nananatili pa rin sa kulungan dahil hindi nakapagpiyansa sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
“Sa pagdinig, lumabas na wala ni isa sa kanila ang may lisensya. Malubha itong kaso, at magsilbi sana itong babala na hindi namin palalampasin ang sinumang lalabag sa mga alituntunin at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Sa pagdinig, kinilala at inamin ng lahat ng dumalong respondent ang mga paglabag na nakasaad sa kanilang Show Cause Orders (SCOs), at nagsumite sila ng kani-kaniyang sagot at komento kaugnay ng insidente.
Bukod dito, nakumpirmang walang plaka at hindi rin rehistrado ang mga motorsiklong ginamit.
Ang anim na nasa hustong gulang, pati na ang mga hindi dumalo, ay nahaharap sa kasong driving without license, failure to wear the standard protective motorcycle helmet, driving a motor vehicle without a license plate, at being an improper person to operate a motor vehicle. Isinumite na ang kaso para sa pinal na resolusyon. (PAUL JOHN REYES)