• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

19-anyos na wanted sa statutory rape sa Caloocan, tiklo 

HIMAS-REHAS ang 19-anyos na teenager na wanted sa kaso ng statutory rape matapos masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang manhunt operation laban sa akusado na residente ng Brgy., 32 ng lungsod.

Dakong alas-12 ng tanghali nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ang akusado sa kanilang lugar.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong Statutory Rape na inisyu ng Family Court, Branch 1, Caloocan City na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Caloocan City Police Station habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (Richard Mesa)