• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:57 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

19-anyos na wanted sa rape sa Leyte, nalambat sa Navotas

NAGWAKAS na ang pagtatago ng 19-anyos na kelot na wanted sa kaso ng panggagahasa sa isang babaeng biktima sa lalawigan ng Leyte matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Navotas City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) na nagtatago sa Navotas ang akusado na si alyas “Ricki”, matapos umanong tumakas sa kanilang lugar sa Brgy. Tugas, Bato, Leyte nang malaman na sinampahan siya ng kaso ng mga kaanak ng biktima.
Ayon kay Northern NCR MARPSTA chief P/Major Dandy Ferriol Jr., nakatala ang akusado bilang Top 4 Regional at Top 1 Municipal Most Wanted Person.
Mismong si Major Ferriol ang namuno sa binuo nitong team na nagsagawa ng joint operation, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya mula NCR at Eastern Visayas na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Ricki dakong alas-10 ng umaga sa Pier IV, Navotas Fish Port Complex.
Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 18, Hilongos, Leyte para sa kasong Statutory Rape na walang piyansang inirekomenda.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Northern NCR MARPSTA habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (Richard Mesa)