18 pulis nagpositibo sa droga, pinasisibak
- Published on February 25, 2021
- by @peoplesbalita
Tiniyak ni Philippine National Police chief, Gen. Debold Sinas na tuluy- tuloy ang paglilinis ng kanilang hanay mula sa mga pulis na sangkot sa iba’t ibang illegal activities.
Partikular na tinukoy ni Sinas ang pagkakasangkot ng mga pulis sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot na aniya hindi tamang ehemplo sa publiko.
Ayon kay Sinas, pinasisibak niya sa tungkulin ang nasa 18 tauhan ng PNP na mga nagpositibo sa isinagawang random drug testing mula Enero 1 hanggang Pebrero 20, 2021.
Batay sa datos ng PNP Crime Lab, 17 sa naturang bilang ay mga police officer habang isa naman ang non uniformed personnel (NUP). Isinagawa ang drug testing hindi lang sa National Headquarters kundi pati sa ibat-ibang police regional offices sa buong bansa.
Aniya, ang internal cleansing ay kailangan upang maiahon ang imahe ng PNP. Kailangan na maibalik ang tiwala ng publiko sa pulis.
Sa kabuuan, nasa 80, 507 na mga PNP personnel ang sumalang sa drug test.
Sumasailalim ngayon sa imbestigasyon ang mga pulis na nagpositibo sa drug test.