18-anyos na bebot na akusado sa anti-hazing sa Valenzuela, isinelda
- Published on October 31, 2025
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang isang bebot na wanted sa kaso ng anti-hazing matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, ang akusado ay 18-anyos na bebot na residente ng Marilao, Bulacan at kabilang aniya sa mga most wanted person ng Valenzuela Police.
Dagdag niya, nitong October 23, 2025 nang maglabas ng order to take custody ang Valenzuela City Regional Trail Court (RTC) Branch 270, laban sa akusado dahil sa paglabag sa R.A 11053, otherwise known as the Anti-Hazing Act of 2018.
Dahil dito, agad inatasan ni Col. Talento ang kanyang mga tauhan na tugisin ang akusado hanggang sa makatanggap ng impormasyon ang mga ito na naispatan ang presensya nito sa Brgy. Viente Reales.
Dakong alas-3:35 ng hapon nang tuluyang makorner ng tumutugis na mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela Police ang akusado sa Lucero Street, Barangay Viente Reales.
Dinakip ang akusado sa bisa ng nasabing order to take custody na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Matapos nito, tinurnover ang akusado sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela City Police para sa proper disposition. (Richard Mesa)