16 kilos na marijuana kush na nabawi sa West Philippine Sea, naiturn-over na sa PDEA
- Published on October 22, 2025
- by @peoplesbalita
PORMAL na tinanggap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan Provincial Office ang 32 clear at black plastic bags na naglalaman ng tinatayang 16 kilo ng hinihinalang high-grade Marijuana Kush, na nagkakahalaga ng ₱19.2 milyon. Ang mga ito ay narekober ng Western Naval Command sa pamamagitan ng Naval Task Force 41, habang nagsasagawa ng operasyon sa West Philippine Sea.
Batay sa paunang ulat mula sa Maritime CAFGU Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-West), natagpuan ang mga ilegal na droga na palutang-lutang malapit sa Sabina Shoal noong Oktubre 17. Agad na inatasan ng Naval Task Force 41 ang PG-902 upang magsagawa ng search and retrieval operation sa kahina-hinalang itim na bag na natagpuan sa nasabing lugar. Alinsunod sa itinatakdang mga proseso, pormal na isinagawa ang turn-over ng mga nakuhang item sa PDEA Palawan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) – Palawan Police Provincial Office (PPO) para sa wastong disposisyon.
Sinimulan na ng PDEA Palawan ang pagsusuri, field testing, at opisyal na imbentaryo ng mga nakumpiskang droga, habang isinasagawa na rin ang mga kaukulang hakbang para sa tamang disposisyon.
Muling pinagtitibay ng mga awtoridad ang kanilang paninindigan sa pagsugpo sa iligal na droga at pagpapatibay ng maritime interdiction operations, lalo na sa mga sensitibo at liblib na bahagi ng karagatang sakop ng bansa tulad ng West Philippine Sea. (PAUL JOHN REYES)