15 NAVOTEÑO YOUTH, HINIRANG NA BAGONG ART SCHOLARS
- Published on October 20, 2025
- by @peoplesbalita
PINANGALANAN ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang labinlimang mahuhusay na Navoteño na hinirang bilang pinakabagong benepisyaryo ng NavotaAs Art Scholarship Program para sa school year 2025-2026.
Pinili ang mga student artist pagkatapos ng mahigpit na proseso ng pagpili na isinagawa ng mga screening committee sa limang disiplina—biswal na sining, musika, sayaw, sining ng teatro, at malikhaing pagsulat.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, ang programa ay muling pinagtibay ang pangako ng lungsod sa pag-aalaga ng magagaling na mga Navoteño na mahusay hindi lamang sa akademya kundi maging sa sining.
“We continue to see the incredible creativity and determination of Navoteño youth. Each scholar represents the boundless potential of our city’s young generation,” aniya.
“Through the NavotaAs Scholarship Program, we aim to nurture that potential, giving our youth the opportunity to sharpen their craft, share their stories, and inspire others through their art. We are committed to empower dreams and build a community that thrives on talent, passion, and purpose,” dagdag niya.
Ang bawat art scholar ay tatanggap ng ₱16,500 kada academic year para sa transportasyon at allowance sa pagkain, at karagdagang ₱20,000 para sa mga workshop at pagsasanay upang higit na mahasa ang kanilang craft.
Bukod sa art scholarship, nagbibigay din ang lungsod ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral na mahusay sa akademya at palakasan, gayundin sa mga gurong nagtapos ng pag-aaral at mga anak o kamag-anak ng Top Ten Most Outstanding Fisherfolk.
Mula nang itatag ito noong 2011, ang NavotaAs Scholarship Program ay sumuporta din sa edukasyon ng higit sa 1,000 mag-aaral at guro, na tumutulong sa pag-angat ng buhay at pagtataguyod ng kahusayan sa iba’t ibang larangan.
“Patuloy nating palalawakin ang mga programa para sa edukasyon at kabataan,” sabi ni Mayor Tiangco. “Dahil ang tunay na layunin ng Navotas ay bigyan ng oportunidad ang bawat Navoteño na maabot ang kanilang pangarap.”
Patuloy na hinihikayat ni Mayor Tiangco ang mga kabataang Navoteño na ituloy ang kanilang hilig at mag-aplay para sa future scholarship opportunities na sumusuporta sa pag-aaral, pagkamalikhain, at personal na paglago. (Richard Mesa)