• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 5:44 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

15 milyong pasahero nakinabang sa libreng sakay ng MRT-3

INIULAT kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na umaabot na sa mahigit 15 milyong pasahero ang napagsilbihan ng libreng sakay na ipinagkakaloob ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

 

 

Ayon sa DOTr-MRT-3, kabuuang 15,381,945 pasahero na ang nakinabang sa libreng sakay mula nang simulan ang programa noong Marso 28 hanggang nitong Mayo 23 lamang.

 

 

Sa naturang bilang, 8,472,637 ang nakalibre ng pamasahe noong unang buwan ng implementasyon ng libreng sakay, o mula Marso 28 hanggang Abril 30.

 

 

Mula naman Mayo 1 hanggang 23 ay nasa 6,909,308 na ang napagseserbisyuhan ng linya.

 

 

Matatandaang ipinatupad ng DOTr-MRT-3 ang libreng sakay bilang pagdiriwang sa matagumpay na pagtatapos ng rehabilitasyon ng linya at upang maipakita sa mga pasahero ang mas pinagandang serbisyo nito.

 

 

Layunin din ng programa na makatulong sa publiko sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin.

 

 

Dapat sana ay hanggang Abril 30 lamang ang libreng sakay, ngunit pinalawig pa ang programa hanggang Mayo 30, 2022, upang mas marami pang mapagserbisyuhan at makaramdam ng mga positibong pagbabago sa MRT-3, gaya ng mas mabilis na biyahe, mas malamig na mga bagon, at mas maayos na mga pasilidad sa linya.