15 FIXERS, NASAKOTE SA MATAGUMPAY NA ENTRAPMENT OPERATION NG LTO
- Published on August 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
DAHIL sa pinaigting na kampanya ng Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, labinlimang (15) fixers ang arestado sa isinagawang entrapment operation ng ahensya.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng LTO na pinangunahan nina Ret. PBGen Allan C. Nobleza, Director ng Law Enforcement Service (LES), at Ret. PBGen Celso L. Bael, katuwang ang mga enforcer ng LES, Kamuning Police Station 10 sa pangunguna ni Station Commander Lt. Col. Aljun Belista, Quezon City District Police Office, at Philippine Coast Guard (PCG).
Kasabay nito, nagsagawa rin ng clearing operation ang Quezon City Department of Public Order and Safety at LTO sa paligid ng compound upang maalis ang mga walang permit na side vendors na maaaring mag-alok ng ilegal na serbisyo o magsilbing fixer sa mga kliyente ng ahensya.
Matapos makalap at maproseso ang kinakailangang impormasyon, ang mga nahuling fixer ay dadalhin sa Kamuning Police Station 10 para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng LTO na sugpuin ang pamemeke, panlilinlang at iba pang ilegal na gawain ng mga fixer, at matiyak na ang lahat ng transaksyon sa ahensya ay isinasagawa ng maayos, legal at transparent.
Hindi bibigyan ng LTO ng puwang ang mga fixer at anumang ilegal na transaksyon. Tinitiyak ng ahensya na pananagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot at patuloy na paiigtingin ang mga operasyon upang maprotektahan ang publiko at mapanatili ang malinis, mabilis, at tapat na serbisyo. (PAUL JOHN REYES)