14-anyos na babae, ni-rescue sa Human Trafficking
- Published on June 26, 2025
- by @peoplesbalita
NA-RESCUE ng Manila Police District (MPD) ang isang 14 anyos na babae sa isang entrapment at rescue operation mula sa umano’y kaso ng human trafficking sa isang hotel sa Binondo, Maynila.
Ikinasa ang operasyon ng Women and Children Concern Section (WCCS) ng District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) ng MPD sa koordinasyon ng Municipal Social Welfare and Developement (MSWD) Office at Meisic Police Station (PS-11).
Sa ulat, ang biktima na sinamahan ng kanyang magulang sa WCCS ay mula sa Caloocan City upang ireport ang umano’y pangbubugaw ng isang suspek na nakilalang Mary Grace Rivera santos , 18, kapalit ng halaga.
Ayon sa pulisya, ibinibugaw ni Santos ang biktima sa pamamagitan ng mga bookings sa mga kliyente kabilang sa mga Chinese national.
Kasunod ng inisyal na ulat, ang biktima ay dinala sa Philippine General Hospital (PGH) para sa medical at psychological examinations at kalaunan ay inilipat sa kustodiya ng MSWD.
Ikinasa ang entrapment operation nang tawagan ni Santos noong Hunyo 19 ang isang kliyente para sa bookings kinabukasan.
Sa kanyang mensahe, isang Wenlang Xu, 42, Chinese national at residente sa Binondo, Manila ang kliyente at humirit ng dalawang babae.
Nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa building administrator ng le Chamber Hotel sa Binondo at pinasok ang room 6006.
Kapwa namang inaresto si Santos at ang Chinese national.
Kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act ang kinakaharap ng mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya. (Gene Adsuara)