• February 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

13 batang ooperahan inayudahan ng Manila LGU

INAYUDAHAN ng Manila City Government ang 13 bata na nangangailangan ng mga delikadong ope­rasyon sa Philippine Heart Center, Chinese General Hospital, at healthcare facilities sa India.

Nabatid na pinulong ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pamilya ng naturang mga bata na kinabibilangan ng walong paslit na sasailalim sa liver transplants sa India, apat na batang sasailalim sa heart operations sa Philippine Heart Center, at isang pasyente na sasailalim sa operasyon para sa chronic kidney condition sa Chinese General Hospital.
Ayon kay Domagoso, naglaan ang city go­vernment ng kabuuang P16,818,557.49 pondo para sa naturang mga operasyon.

Kabilang dito ang P13,321,629.80 na inilaan para sa walong liver transplant cases, P3,323,311.50 na para sa isasagawang apat na heart operations, at P173,616.19 para sa kidney procedure. “Pagkatapos nito, una, magpasalamat kayo sa Diyos, ha? Magsimba kayo. Tapos, kung ’di man kalabisan, magpasalamat din kayo sa taxpayer ng Manila. Dahil sa kanila, nagagawa namin ’to. We’ll do our best, bagama’t gipit na gipit kami bilang siyudad. Kaya lamang, buhay ng mga anak niyo ’yung nakasalalay, eh,” ani Domagoso, sa mga magulang ng mga bata.