• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

12K mga pulis ikakalat sa SONA

AABOT sa halos 12,000 mga pulis ang itatalaga at ipapakalat sa buong bansa ng Philippine National Police (PNP) para sa seguridad sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Hulyo 28.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, nagpatawag bandang alas-4 ng madaling araw nitong Martes nang command conference si PNP chief Gen. Nicolas Torre III na dinaluhan ng mga regional directors partikular na ang regional director mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) upang talakayin ang magiging deployment sa araw ng SONA ng Pangulo.

Sinabi ni Fajardo na kailangan nang mailatag ang security plan upang malaman kung may mga dapat na ipatupad kabilang na sa mga grupong mga lalahok sa iba’t ibang aktibidad maging pabor o kontra sa pamahalaan.

Nabatid kay Fajardo na inatasan ni Torre ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng “honest to goodness” threat assessment para sa SONA.

Sa pagkakataong ito, sinabi ni Fajardo na pagaganahin din ang Task Force “Manila Shield” o iyong pagde-deploy ng karagdagang puwersa mula Central at Southern Luzon para makatuwang sa border control. (Vina de Guzman)