• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

12 Stations ng MRT-7 raratsada sa 2027

INIHAYAG ng Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado na ganap nang aarangkada ang operasyon ng 12 trains stations ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) sa ikalawang bahagi ng 2027.

Sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na umaasa siyang ang naturang segment ay ganap na makapagbibigay ng serbisyo sa mga commuters sa second quarter sa susunod na taon.

“At ang MRT-7, ang daily operations po niyan, 12 stations from Sacred Heart dito sa Caloocan all the way sa North Avenue, mga second quarter of 2027. ‘Yan talaga full operation na ‘yan. Ibig sabihin, revenue line na ‘yan,” pahayag ni Lopez.

Ang 22 kilometrong elevated railway na may 14 na istasyon ay nagdurugtong sa Metro Manila at Bulacan, sa pamamagitan ng Commonwealth Avenue, na mapapakinabangan ng tinatayang 500,000 na araw-araw na pasahero.
Ang 14 na MRT-7 stations ay ang North Avenue, Quezon Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Doña Carmen, Regalado Minda­nao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala, at San Jose del Monte.

Sa pagkakataong ito, posibleng mas maagang matatapos ang proyekto sa kahabaan ng 12 station kaysa sa pinakabagong target. (Daris Jose)