• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 12:06 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

11 katao, huli sa akto sa sugal, droga sa Valenzuela

MAGKAKASAMANG isinelda ang 11 katao, kabilang ang apat drug suspects matapos maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na anti-illegal gambling operations sa Valenzuela City.

Sa report ni PCpl Christopher Quaio kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, dakong alas-5:15 ng hapon nang maaktuhan ng mga tauhan ng Patrol Base 2 ang tatlong lalaki na nagsusugal ng 'cara y cruz' sa Lower Tibagan Compound, Brgy. Gen T De Leon.

Nasamsam sa kanila ang tatlong peso coins na gamit bilang 'pangara', bet money at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakumpiska kay alyas "Jayson", 27.

Alas-8:20 ng gabi nang mahuli naman sa akto ng mga tauhan ng Patrol Base 4 sa Pinagpala Ext., Bukid Pinalagad, Brgy. Malinta ang dalawang kelot na abala sa paglalaro umano ng 'cara y cruz'. Nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso coins 'pangara' at isang plastic sachet ng umano'y shabu na nasamsam kay alyas "Matt", 24.

Sa Brgy., Ugong, huli rin sa akto ng mga tauhan ng Patrol Base 8 ang tatlong lalaki na nagka-cara y cruz sa Building 16 ng AMVA Homes dakong alas-5:10 ng hapon. Nasamsam sa kanila ang bet money, tatlong peso coins 'pangara' at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at nakuha kay alyas "Gil', 42.

Samantala, tiklo naman sa mga tauhan ng Patrol Base 6 ang tatlong indibidwal nang maabutan na naglalaro ng sugal na 'cara y cruz' sa gilid ng basketball court sa I. Marcelo St., Brgy., Malanday. Nakumpiska sa kanila ang tatlong peso coins 'pangara' at bet money habang ang isang plastic sachet ng sinasabing shabu ay nakuha kay alyas "Abed", 42.

Ayon kay PMSg Carlito Nerit Jr., kasong paglabag sa PD 1602 at paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor's Office. (Richard Mesa)