1 PATAY SA KILOS PROTESTA
- Published on September 23, 2025
- by @peoplesbalita
KUMPIRMADO na patay ang isa sa mga rallyista sa naganap na kaguluhan sa kilos protesta kahapon, Sept.21 sa C.M Recto sa Maynila.
Ayon ito sa Department of Health (DOH) matapos isugod sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) ang nasa 48 indibidwal na nasaktan sa nasabing aktibidad.
Inaalam pa ang pagkakilanlan ng biktima na idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong saksak.
Dalawang pulis naman ang nagtami ng minor injuries (laceration at pasa sa katawan) at agad ding nakalabas matapos gamutin.
Mayroon ding 6 na iba pang pasyente ang nagtamo ng iba’t ibang sugat kabilang ang hiwa sa paa, eye trauma, head trauma, injury sa ugat ng kaliwang braso, gunshot wound, at matinding sugat sa braso. Apat sa kanila ay nakalabas na matapos gamutin, habang dalawa ang kasalukuyang naka-admit para sa karagdagang gamutan.
Bukod dito, 39 pang raliyista ang sumasailalim ngayon sa physical examination bilang bahagi ng proseso bago sila dalhin sa kulungan. Wala namang agarang panganib sa kanilang kalusugan.
Ayon kay Health secretary Ted Herbosa, sakop pa rin ng Zero Balance Billing ang mga pasyente na nasangkot sa kaguluhan sa marahas na kilos protesta.
“Tinitiyak ng DOH na sakop pa rin ng Zero Balance Billing ang mga pasyenteng ito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyakin ang maagap at dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino,” ani Herbosa. (Gene Adsuara)