1 patay, 2 sugatan, higit 50 pamilya nawalan ng tirahan sunog sa Navotas
- Published on January 23, 2026
- by @peoplesbalita
ISA ang nasawi habang dalawa ang sugatan at mahigit 50 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa nangyaring magkahiwalay na sunog sa Navotas City.
Sa ulat, nagsimulang sumiklab ang apoy sa bahay ni alyas “Paeng” sa North Bay Boulevard South (NBBS) alas-9:56 ng Martes ng gabi na mabilis na kumalat sa may 13 pang kabahayan na pawang gawa sa light materials na dahilan upang mawalan ng tirahan ang may 57 pamilya.
Inaakusahan ng kanyang mga nasunugang kapitbahay si ‘Paeng’ na sinadyang silaban ang kanyang bahay bunga ng pagkahumaling umano sa illegal na droga kaya binitbit siya ng pulisya sa presinto para sa imbestigasyon.
Nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) na silang may karapatang magsiyasat sa mga nagaganap na sunog kaya hihintayin ng pulisya ang pinal na ulat bago magpasiya sa kahihinatnan ng suspek.
Nagpadala naman kaagad ng mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang nasunugan si Navotas Mayor John Rey Tiangco at personal niya rin binisita ang mga ito para kamustahin ang kanilang kalagayan. Tiniyak niya rin na makakatanggap sila ng kaukulang ayuda para sa muli nilang pagbangon sa trahedya.
Nauna rito, alas-12:17 ng tanghali nang sumiklab din ang sunog sa isang bodegang imbakan ng pang-dekorasyon at muwebles sa Encarnacion St. Brgy. Sa Rafael Village, kung saan nasawi ang 20-anyos na trabahador na taga-Cavite matapos ma-trap habang dalawa pa ang sugatan.
Ayon kay arson investigator SFO2 Junibert Mendoza, posibleng electrical overload o tumalsik na baga mula sa pagwe-welding ang dahilan ng sunog dahil inamin ng welder na gumamit siya ng extension wire habang nagwe-welding.
Inabot ng halos apat na oras ang sunog na itinaas sa ikalawang alarma bago tuluyang naapula alas-4 na ng hapon habang tinatayang aabot sa P5.2 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
(Richard Mesa)