• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

1 MONTH NA ANTI-COLORUM OPERATIONS NG LTO, 284 SASAKYAN ANG NAHULI

NAHULI at na-impound ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang kabuuang 284 na sasakyan sa pinaigting na isang-buwang anti-colorum operations sa buong bansa nitong Hulyo 2025.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isinagawa ang operasyon bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga naglalagay sa panganib sa mga pasahero at tiyakin na lahat ng pampublikong sasakyan ay sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan, lalo na sa mga patakaran para sa kaligtasan sa kalsada.
“Hindi safe sakyan ang mga colorum na mga sasakyan na ito dahil bukod sa issue ng road worthiness dahil marami sa mga ito ay mga expired na rehistro, wala rin intong mga insurance na isa sa mga requirements sa mga public utility vehicles,” ani Asec Mendoza.
“Marami na tayong nahuli at tayo ay natutuwa dahil nakakakita na tayo ng improvement sa ating adhikain na wakasan ang iligal na gawain na ito,” dagdag pa niya.
Batay sa datos ng LTO, 79 sa mga nahuling sasakyan ay tricycle, habang 51 naman ay motorsiklong ginagamit bilang motorcycle taxi.
Nahuli rin ang 60 van o UV Express, 56 truck, at 16 sedan-type na pribadong sasakyan na iligal na ginagamit sa pagsasakay ng pasahero.
Nahuli rin ang labing-isang pampasaherong jeepney at apat na bus.
Mula nang maupo siya bilang pinuno ng LTO noong kalagitnaan ng 2022, ipinag-utos na ni Asec Mendoza ang maigting na kampanya laban sa mga kolorum na sasakyan bilang suporta sa mga lehitimong operator at driver na nawawalan ng tinatayang 30% ng kanilang kita araw-araw dahil sa iligal na operasyon.
Ang ilang aksidente na kinasasangkutan ng mga kolorum na sasakyan kung saan hindi nakatanggap ng anumang tulong ang mga biktima dahil sa kawalan ng insurance, ang isa ring nagtulak sa LTO na mas paigtingin pa ang pagsugpo sa iligal na gawaing ito.
Binalaan din ni Asec Mendoza na ang kolorum na operasyon ay itinuturing na isang kriminal na gawain, at binanggit ang ilang kaso kung saan parehong nahatulan ang operator at driver ng multa at pagkakakulong.
Bilang karagdagang paghihigpit, naglabas si Asec Mendoza ng memorandum noong nakaraang taon na nag-aatas sa lahat ng opisyal ng LTO na tanging utos ng korte ang maaaring magpalabas ng mga sasakyang na-impound sa ilalim ng anti-colorum operations.
Nagpasalamat din si Asec Mendoza kay Secretary Dizon sa kanyang buong suporta sa kampanyang ito. (PAUL JOHN REYES)