1 MANGINGISDA, NAILIGTAS SA BATAAN
- Published on January 24, 2026
- by @peoplesbalita
NAGSAGAWA ng rescue operation ang Philippine Coast Guard para sagipin ang isang mangingisda na namataan sa karagatang sakop ng Hornos Point, Mariveles, Bataan .
Patungo ng Bajo de Masinloc para sa maritime patrol ang BRP Cape San Agustin nang mamataan ang mangingisda na humihingi ng saklolo sa pamamagitan ng pagkaway at pulang bandila.
Agad na nag-deploy ng rescue boat ang PCG at nailigtas ang 35-anyos na residente ng Barangay Biyaan, Mariveles.
Nagtamo ang biktima ng first-degree burn sa kanang hita matapos madikit sa exhaust pipe ng makina ng kanyang bangka at agad itong nabigyan ng lunas at psychosocial support ng medical team ng PCG.
Nagkaroon ng problema ang bangka nang makalas ang outrigger nito kaya hindi na napatakbo ng mangingisda kaya nakipag-ugnayan na lamang ang PCG sa
Coast Guard Station Bataan at Coast Guard Sub-Station Mariveles.
Dinala ang mangingisda sa Mariveles Harbor at isinailalim sa karagdagang tulong at monitoring ng Coast Guard Sub-Station Mariveles (Gene Adsuara)