• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:37 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

𝐃𝐏𝐖𝐇 𝐄𝐧𝐠𝐢𝐧𝐞𝐞𝐫 𝐀𝐥𝐜𝐚𝐧𝐭𝐚𝐫𝐚, 𝐆𝐮𝐢𝐥𝐭𝐲 𝐬𝐚 𝐊𝐚𝐬𝐨𝐧𝐠 𝐀𝐝𝐦𝐢𝐧𝐢𝐬𝐭𝐫𝐚𝐭𝐢𝐛𝐨; 𝐊𝐚𝐬𝐨𝐧𝐠 𝐊𝐫𝐢𝐦𝐢𝐧𝐚𝐥 𝐈𝐬𝐮𝐬𝐮𝐧𝐨𝐝

GUILTY ang naging hatol ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio B. Dizon laban kay Engineer Henry C. Alcantara, dating District Engineer ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, na nasangkot sa mga maanumalyang proyekto sa Lalawigan ng Bulacan.

Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa mga proyektong palpak at hindi nakikinabang ang publiko, binigyang-diin ni Secretary Dizon sa kanyang pitong pahinang desisyon na napatunayang may sala si Engineer Alcantara sa mga sumusunod na mabibigat na kasong administratibo: Disloyalty to the Republic of the Philippines and to the Filipino People; Grave Misconduct; Gross Neglect in the Performance of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, alinsunod sa Sections 63 (A)(1)(d), (f), (h), at A(2)(a), Rule 10 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.

"Ito ay isang babala sa mga opisyal at kawani ng DPWH na responsable sa mga ghost at substandard projects, dahil kagaya nga ng sinabi ni Pangulo, hindi natin hahayaan na hindi mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan," diin ni Secretary Dizon.

"Kasunod nito, kami ay magrerekomenda sa kaukulang tanggapan upang maghain ng criminal charges laban kay Engineer Alcantara at iba pang sangkot na indibidwal upang makamit ang hustisya sa kanilang ginawang pambababoy sa kaban ng bayan," dagdag pa ni Secretary Dizon.

Nauna nang pinangalanan ni Secretary Dizon ang mga susunod na sasampahan ng kasong administratibo at kriminal bilang sina dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez,  Construction Section Chief Engineer Jaypee Mendoza, at Accountant III Juanito Mendoza na mula lahat sa Bulacan 1st District Engineering Office. ( Daris Jose)