• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱69.8M ALLOWANCES NG MGA GURO SA MAYNILA, ILALABAS NGAYONG LINGGO

INANUNSIYO ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng ₱69.8 milyong allowances para sa 11,633 pampublikong guro ng Maynila sa ilalim ng Schools Division Office (SDO), na sasaklaw sa Oktubre hanggang Disyembre 2025.

Ayon sa alkalde, ilalabas ang naturang allowances ngayong linggo, kasabay ng ₱9.68 milyong ayuda para sa 6,452 Grade 12 students, kaya umabot sa ₱79.48 milyon ang kabuuang SDO-related releases para sa huling kwarter ng 2025.

Magpapalabas din ang pamahalaang lungsod ng ₱26.03 milyon para sa 8,675 mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), at ₱11.10 milyon para sa 5,551 mag-aaral ng Universidad de Manila (UDM).

Kabilang din sa mga makakatanggap ng allowances ang mga kawani ng Manila Police District (₱26.03M), Manila Fire District (₱2.76M), Philippine Drug Enforcement Agency (₱150,000), at Bureau of Jail Management and Penology (₱3M).

Sa kabuuan, aabot sa ₱155.04 milyon ang ilalabas na allowances at subsidiya ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa edukasyon at mga sektor ng pampublikong serbisyo.

“Ikinagagalak kong makapagbigay ng ngiti sa halos 26,000 indibidwal—mga mag-aaral, kawani, at guro—sa pamamagitan ng tulong-pinansyal na ibinibigay ng inyong Pamahalaang Lungsod,” ani Domagoso. (Gene Adsuara)