• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱360M AKAP aid, relief goods nakalaan sa mga biktima ng baha sa 36 Congressional districts

 

BILANG tugon sa direktiba ni Presidente Bongbong Marcos, nasa ₱360 million na Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) funds, family food packs, at iba pang relief items ang inilaan para sa agarang distribusyon sa 36 congressional districts na matinding naapektuhan ng bagyong Crising at southwest monsoon.

Ang AKAP and relief assistance, na pinangasiwaan ng opisina ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa pakikipagtulungan ng Tingog Party-list ay ipalalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ni Secretary Rex Gatchalian.

Ang bawat congressional district ay makakatanggap ng ₱10 million na direct financial aid para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, displacement, at iba pang emergencies.

“This is just the beginning of our coordinated disaster response. Malayo pa ang mararating ng tulong na ito at hindi pa ito ang huli. Ang importante, agad nating naramdaman ang pagtulong ng administrasyong Marcos,” ani Romualdez.

Bukod sa financial aid, inihanda rin ang mga relief packs para sa mass distribution, kabilang na ang mainit na pagkain na inihanda ng Tingog sa mga evacuees na nasa mga eskuwelahan, covered courts, at iba pang temporary shelters.

“Nais nating iparating sa bawat apektadong pamilyang Pilipino na sa panahon ng kalamidad ay andito ang gobyerno ni Pangulong Marcos para tumulong. Lahat ito ay paalala na hindi kayo nag-iisa. Kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon,” pahayag nito.

Ang 36 congressional districts ay mabebenipisyuhan mula sa ₱360 million AKAP fund at iba pang kaukulang relief efforts.

Binuhay muli ng tanggapan nina Romualdez at Tingog Party-list ang Relief Coordination Desk, ibinigay na tulong noong pandemic at nagdaang bagyo.

Nagsilbi itong central link sa pagitan ng apektadong kongresista, national agencies, at local responders.

(Vina de Guzman)