• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

RESO SA SOCE CASE NI MARCOLETA NAKATAKDANG ILABAS NG COMELEC

NAKATAKDANG maglabas ng resolusyon ang Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa isinagawang imbestigasyon sa umano’y hindi tamang pagdedeklara ni Senator Rodante Marcoleta ng mga donor sa kanyang statement of contributions and expenditures (SOCE) para sa eleksyon noong Mayo 2025.
Sa kanyang counter-affidavit, iginiit ni Marcoleta na ang mga donasyon ay ginawa bago siya opisyal na maideklarang kandidato, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Penera vs. Comelec, na nagsasabing ang mga aspirante sa automated elections ay opisyal na nagiging kandidato lamang sa unang araw ng campaign period.
Noong Nobyembre 2025, naglabas ang Comelec ng show cause order (SCO) na nag-aatas kay Marcoleta na ipaliwanag ang kanyang pahayag na hindi niya ganap na idineklara ang mga donor sa kanyang SOCE para sa midterm elections noong nakaraang taon.
Pinagpapaliwanag din ng SCO ang diumano’y hindi pagkakatugma ng kanyang SOCE at statement of assets, liabilities at net worth (SALN)
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nakatuon ang imbestigasyon sa kanyang SOCE.
Inamin ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang mga natanggap na kontribusyon para sa eleksyon noong Mayo 2025 dahil hiling ng kanyang mga donor na manatiling anonymous.
Batay sa kanyang SOCE, gumastos ang senador ng P139.9 milyon para sa kampanya, mas mataas kaysa sa kanyang SALN na P51,965,559.
Samantala, hindi na nagbigay pa ng detalye si Garcia kung kailan maglalabas g resolusyon ang PFAD .
Dagdag pa ni Garcia, nasa law department na aniya kung magsasagawa ng preliminary investigation dahil siya ay nag-inhibit kaya hindi siya nakikialam.
Nauna nang sinabi ni Garcia na kailangang ideklara ng mga kandidato ang kanilang mga gastusin at donasyon lalo na kung ang mga gastusin at kontribusyon ay naganap s panahon ng kampanya alinsunod sa Section 99 ng Omnibus Election Code.
(Gene Adsuara)