• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, PINANGUNAHAN ANG OATH-TAKING NG MGA GURO; NANGAKO NG SUPORTA SA EDUKASYON

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mass oath-taking ng mga bagong na-promote na guro at school heads mula sa Bulacan at Pampanga cluster sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system—ang ikatlong seremonya mula nang ilunsad ang programa.
Tinaguriang “MOVE BEYOND for Service and Excellence,” ang seremonya ay kasunod ng mga naunang oath-taking sa Ilocos Norte at National Capital Region, bilang patuloy na pagkilala ng administrasyon sa mga gurong na-promote sa ilalim ng ECP framework.
Ayon sa Pangulo, personal niyang dinaluhan ang seremonya upang bigyang-diin ang kahalagahan ng tagumpay na ito para sa mga gurong matagal nang naghihintay ng oportunidad sa pag-angat ng kanilang karera.
Sa aking pinaniniwala, ang tunay na sukatan ng pag-unlad ng isang bansa ay ang kinabukasang inihahanda natin para sa kabataan. Maaaring magtakda ng direksyon ang mga polisiya at programa, ngunit sa pamamagitan ninyo—ating mga guro—ito nagkakaroon ng saysay at bunga,” ani Pangulong Marcos.
Kinilala rin ng Chief Executive ang mga sakripisyo ng mga guro—ang maagang paggising, mahabang biyahe, mahabang oras ng pag-check ng papel at paghahanda ng leksyon, pati na ang dagdag na tungkulin sa eleksyon, sensus, at serbisyong pangkomunidad.
Sinabi ni Pangulong Marcos na maraming guro ang nawalan ng pag-asa sa promosyon dahil sa mabibigat na trabaho at kakulangan ng plantilla positions.
“Kaya, gumagawa tayo ng mga hakbang upang marami pang guro ang tumaas ang posisyon, at kagaya ng aking ipinangako, walang sinuman na teacher ang magre-retire na Teacher I,” anito.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na nananatiling pangunahing priyoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon, at ibinunyag na mahigit P1.34 trilyon ang inilaan sa sektor ngayong taon—katumbas ng higit apat na porsiyento ng pambansang ekonomiya.
Sinabi ng Pangulo ang mga programang sumusuporta sa mga guro, kabilang ang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) Caravan, na nagdadala ng libreng serbisyong medikal tulad ng laboratory tests, konsultasyon, gamot, at vital signs monitoring diretso sa mga guro.
Dagdag pa rito, naipamahagi na ang Service Recognition Incentive para sa nakaraang taon, at may karagdagang P7.372 bilyon na inilaan upang matiyak na matatanggap ng lahat ng kwalipikadong guro ang benepisyo.
Binanggit din ang pagbibigay ng P10,000 teaching allowance para sa School Year 2025–2026 at ang P7,000 medical allowance simula 2025.
“Iyan ang dahilan kung bakit tungkulin namin sa pamahalaan na samahan kayo upang gawing mas matatag, marangal, at kapaki-pakinabang ang inyong propesyon,” dagdag ng Pangulo.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na bagama’t makatutulong ang teknolohiya—tulad ng laptops at artificial intelligence—sa pagtuturo, hindi nito mapapalitan ang malasakit, pag-aaruga, at personal na paggabay ng mga guro.
“Kapag suportado ang ating mga guro, mas napaglilingkuran ang ating mga estudyante, at mas umuunlad ang ating bansa nang may kumpiyansa,” aniya.
Sa huli, binati ng Pangulo ang mga bagong na-promote na guro at school heads, at hinikayat silang ipagpatuloy ang pagtuturo hindi lamang ng kaalaman at kasanayan, kundi pati ng malasakit, integridad, at mabuting pagkatao—mga halagang mahalaga sa paghubog ng bansa sa ilalim ng Bagong Pilipinas. (Daris Jose)