• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Melvin Matibag, itinalaga bilang bagong NBI director

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Atty. Melvin Matibag bilang bagong director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maaaring pagkatiwalaan si Matibag kaya’t itinalaga ito sa nasabing posisyon kahit pa naging kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte si Matibag.
Bukod dito, prerogative rin aniya ng Pangulo kung sino ang kanyang itatalaga sa nababakanteng puwesto.
“Unang-una, prerogative po ng Pangulo. Masasabi natin, bakit niya in-appoint? Nandoon po ang tiwala. Nakitaan po niya si Atty. Melvin Matibag na maaaring pagtiwalaan, maaaring magtrabaho para sa gobyerno,” anito.
Sa kabilang dako, hindi naman na idinetalye pa ni Castro kung ang naging desisyon ni Pangulong Marcos na italaga si Matibag ay may kinalaman sa political affiliations nito kay Digong Duterte.
Samantala, papalitan ni Matibag si Lito Magno, itinalaga bilang acting NBI chief matapos magbitiw si director Jaime Santiago noong nakaraang taon.
( Daris Jose)