• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, pinuri ang PNP-SAF matapos masungkit ang 14th-place sa UAE SWAT Challenge 2026

PINURI ng Malakanyang ang Philippine National Police–Special Action Force (PNP-SAF) matapos nitong makamit ang ika-14 na puwesto sa katatapos lamang na UAE SWAT Challenge 2026 na ginanap sa Al Ruwayyah Training City sa Dubai.
“Malaking karangalan ang inuwi ng mga mahuhusay na miyembro ng PNP-Special Action Force sa katatapos lamang na SWAT Challenge na idinaos sa United Arab Emirates nitong Pebrero,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Binanggit ni Castro ang mahalagang papel ni Police Major General Mark Pespes sa pamumuno sa SAF contingent, na nakipagtagisan sa 109 koponan mula sa 48 bansa.
Kinatawan ng Pilipinas sina Police Master Sergeant Rickson Saggut, Police Corporal Bruceley Balao-as, Police Corporal Sylvestre Banguigui, Police Corporal Alexis Bismonte, Police Corporal Jerome Gacayen, Patrolman Randall Tupac, Patrolman Kevin Quezon, at Police Captain Allen Dao-ines na nagsilbing team leader.
Kinilala rin ng Malakanyang ang malaking ambag nina Police Senior Master Sergeant Jonathan Accad, team coach, at Police Lieutenant Colonel Ray Balcueva, head delegate at officer-in-charge, sa mahusay na performance ng koponan.
Naitala ng delegasyon ng Pilipinas ang kabuuang oras na 14 minuto at 14 segundo sa limang event, dahilan para masungkit nito ang pang-14 na puwesto sa naturang international competition.
“Maraming salamat po sa inyong inuwing karangalan sa bansa. Saludo po kami sa inyong dedikasyon, husay, at galing sa trabaho,” ani Castro. ( Daris Jose)