Koleksyon sa MRT 3 fare hindi aabot sa projections
- Published on September 7, 2024
- by @peoplesbalita

INAASAHAN ng Department of Transportation (DOTr) na hindi aabot ang koleksyon sa pamasahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) para sa mga bayarin kung kaya’t hindi nito mababayaran ang kanilang financial obligations sa operator ng MRT sa ilalim ng build-lease-transfer (BLT) concession agreement nito.
“With regard to the BLT agreement, the government will pay a combined P3.4 billion,” wika ni DOTr assistant secretary Jorgette B. Aquino sa House appropriations committee hearing noong nakaraang linggo.
Ayon kay Aquino, ang farebox revenue ng MRT 3 sa loob ng walong buwan hanggang August ay umabot ng P1.6 million habang ang projected non-rail revenue ay P36 million hanggang katapusan ng taon.
Ang nasabing halaga na makukuha sa MRT 3 mula sa fares at non-rail income ay ibabayad sa government’s equity rental at iba pang obligasyon sa operator ng MRT 3, ang Metro Rail Transit Corp. (MRTC).
Sinabi ni Aquino na ang P3.4 billion na financial obligasyon sa MRTC ay kasama na ang P2.75 billion para sa equity rental, staffing, at gastos sa administrative at ang P690 million na bayad din sa MRTC na kailangan bayaran sa darating na January.
Ang projected fare revenue sa apat na buwan hanggang December ay P800 million lamang na may kakulangan na P960 million para sa mga financial obligasyon ng MRT 3.
Sa darating na July 2025 ay magkakaroon ng turn-over ang MRTC sa pamahalaan kapag ang BLT agreement ay natapos na. Inaasahan ng pamahalaan na magkaroon ng privatization sa MRT 3 bago matapos ang kontrata sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Assistant Minority Leader and Party-list Rep Marissa Magsino na gusto nilang malaman sa Kongreso kung sasapat ang koleksyon para sa mga pangbayad ng pamahalaan sa kanilang financial obligasyon at kung hindi ay hahanap sila ng paraan kung paano mapupunuan ang kakulagan.
“We need to know if the fare collection is enough to cover the government’s financial obligations ang if not we will look into how we can fill in these balances,” wika ni Magsino
Ayon kay Aquino, ang DOTr ay naunang humingi ng pondo na nagkakahalaga ng P3.1 billion para sa MRT 3 subalit ang nabigyan ng approval lamang ay P1.07 billion sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Sa ilalim ng BLT agreement, ang DOTr ang siyang may-ari ng prangkisa at sila rin ang humahawak ng operasyon at pagmimintina ng pasilidad kasama ang pagkokolekta ng pamasahe. Ang MRTC ang siyang nagtayo at nag-aayos ng system kapalit ang bayad mula sa DOTr. LASACMAR